Napakaganda ng umaga ko, sa tuwing matatanaw ko mula sa kapitbahay si white. Si white ay napakagandang shitsu, makulit at masunurin siyang aso. Alaga siya ng kapitbahay naming si ate edna. Hindi ko maitatanggi na mahilig ako sa aso. Kakahol sa umaga, sa tanghali at sa gabi yan si white.
Ni minsan hindi ko manlang nahawakan o nayakap manlang si white dahil sa masungit niyang amo. Baka pag hinawakan ko ay sabihing ninanakaw ko ang aso nila. Wala akong ginawa kundi tignan at panoorin mula sa malayo si white, habang siyay naglalaro. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit aliw na aliw ako sa asong iyon, kahit na hindi ko manlang siya mahawakan.
Sa araw-araw na pag pasok ko, dumadaan ako malapit sa kulungan niya, upang masilayan ang ganda ng puti niyang balahibo. Kasabay nito ang pag wasiwas ng buntot niya sa paglapit ko na siya namang ikinatutuwa ko. Ginusto ko na magkaroon ng aso na katulad ni white, na mahahawakan at mayayakap ko.
Habang dumadaan ang mga araw, unti-unti kong napapansin ang pagkawala ng sigla sa kanyang mga mata, ang pagkalagas ng kanyang balahibo at ang iyak niyang ikinahihina ko. At sa pag-gising ko sa umaga, nakakabinging katahimikan ang bumungad sa akin, kasabay nito ang pagpatak ng luha ko. Wala na si white, ni hindi ko manlang nasabi na mahal ko ang asong iyon.
Noong panahong tinatanaw ko si white mula sa malayo, naaalala ko yung taong mahal ko. Tulad ni white ay hindi ko rin siya magawang hawakan at lapitan o kausapin manlang, nangangambang baka hindi niya ako pansinin. Langit at lupa ang agwat naming dalawa, kaya malabong mapansin niya ang tulad ko.
Masaya ako sa tuwing nakikita ko siya, walang tigil ang tibok ng puso ko sa tuwing ngingiti siya. Mga mata niyang waring nangungusap at sinasabing hindi ako bagay para sakanya. Sa araw-araw na gigising ako at naaalala siya, iniisip na dapat ko na bang sabihin ang tunay na nararamdaman sakanya, pero ang pagiwas niya ang ipinangangamba. Mabuti na siguro ang tignan siya kaysa sa malaman pa niya, baka dumating ang araw ay pati pagtingin sakanya'y ipagdamot na.
Isang umaga nakita ko siyang may kasamang magandang dilag, inakala ko na ang babaeng iyon ay isa sa mga kaibigan niya. Lumapit siya sa akin, at naging sanhi ng mabilis na pagtibok ng puso ko, unang beses na binanggit niya ang pangalan ko. Sa aming paguusap, sinabi niya na ang babaeng iyon ay kasintahan niya. At nasabi kong masaya ako para sa kanila.
Noong mga oras na iyon, gusto kong maglaho dahil sa sakit na naramdaman ko. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam na malaman na ang taong mahal mo ay mahal ng iba. Hindi ko magawang sabihin sa sarili ko na masaya ako para sa kanila, pero kailangan kong maging masaya para sakanya. Tulad ni white, hindi ko manlang nasabi ang mga katagang " Mahal Kita " tanging dalawang salita lang ang nakapag palinaw " Huli Na! ".
Wednesday, December 7, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment